Hindi napigilan lumuha ni Apo Whang-Od Oggay ng matanggap niya ang mga regalo na mismong galing sa Hari ng Telebisyon Coco Martin. Sabi niya, napapaluha raw siya pag naiisip niya si Coco dahil noong unang mapanuod niya ito sa FPJ’s Ang Probinsyano ay agad niya itong nagustuhan.

Matatandaan na nag-viral si Whang-Od noong nakaraang taon dahil sa kagustuhang makita si Coco. Ilang artista na rin ang pinuntahan siya tulad nalang ni Aiza Seguerra at Liza Dino ngunit si Coco lang ang tanging hanap-hanap niya. Kaya naman dinadalhan siya ng mga turista ng mga gamit na may tatak ng FPJ’s Ang Probinsyano at ni Cardo. Sinorpresa pa nga siya ng isang grupo ng turista nang nagdala sila ng isang standee ng Hari ng Telebisyon.

Kaya nitong nakaraang weekend ay binisita namin siya upang ibigay ang mga regalo na mismong galing kay Coco na litrato na may autograph niya, T-shirt, jacket, pamaypay, at sticker na may logo ng FPJ’s Ang Probinsyano at Ang Panday, kumot na may burda ng pangalan nila ni Apo Whang-Od.

Ngunit bago namin naibigay ang regalo ay byumahe muna kami ng 19 oras. Ang karaniwang biyahe papuntang Buscalan ay inaabot ng 14 hanggang 16 oras ngunit naging maulan ang araw namin pagpunta kaya nagkaroon ng kaunting antala.

Habang nasa biyahe ay nagkaroon kami ng ilang stops tulad nalang sa Banaue Rice Terraces na ubod ng ganda. Nagtanong ako sa ilang lokal residente kung ano ang pinapanuod nila gabi-gabi at napagalaman ko na FPJ’s Ang Probinsyano ang pinapanuod ng halos lahat doon at si Cardo o Coco Martin ay iniidolo ng bawa’t isa.

Pagkatapos ay dumiretso na kami sa Bontoc, Mountain Province, kung saan nakakilala pa ako ng mga tao na gabi-gabing nanunuod ng FPJ’s Ang Probinsyano. Nakakatuwa lang na pag kumausap ka ng tao doon at tinanong mo sila kung nanunuod ba sila ng Ang Probinsyano at kung kilala ba nila si Coco ay siguradong oo ang sasagot nila sayo.

Pag-alis namin ng Bontoc ng tanghali, dapat mga alas dos palang ay nasa Buscalan na kami ngunit dito na nga kami na-stranded. Nagkaroon ng landslide sa isang daanan dahil sa mahinang ulan. Dumating agad ang tulong mula sa mga lokal na residente ngunit sa laki ng landslide ay napilitan pa rin kami maghintay. Sa awa ng Diyos, ay nakalagpas din kami pagkatapos ng apat na oras at nakarating sa jump-off kung saan kami na ay naglakad pa punta sa Buscalan. Hindi naman napakalayo ng aming inakyat papunta sa maliit na komunidad nila Apo Whang-Od ngunit nahirapan kami dahil sa patuloy na pag-ulan.

Ngunit kahit ano man ang humarang sa amin, hindi kami magpapatinag dahil nais talaga naming ibigay ang mga regalo ni Coco kay Whang-Od. Umabot din ng halos 40 minuto ang aming paglalakad sa isang matarik at basang daan na hindi lahat sementado. At ng makarating na kami sa munting komunidad ng mga Butbut, ang tawag sa tribo nila, ay agad naming hinanap si Whang-Od. Ngunit ang sabi samin ay ito ay nagpapahinga pa at mapapanayam namin sa ilang oras. Kaya nagpahinga muna kami sa isang homestay at kumain. Napagalaman ko na ang tinirahan naming ay bahay talaga ng isang lokal na residente doon at inaalok sa mga turista upang pangkabuhayan nila.

Matapos ang ilang oras ay tinawag na kami dahil pwede na daw makausap si Whang-Od pero hindi nagsasalita ng tagalog si Whang-Od kaya nangailangan kami ng translator na si Kuya Wilbert. Sa una ay talagang kinabahan ako dahil ilan lang kami sa nabigyan ng pagkakataon na mabigyan ng eksklusibong panayam sa legenderary tattoo artist pero nung makita na naming siya ay agad kaming na excite. Sa una ay mukhang nanghihina si Whang-Od dahil simula ala sais pa lang ng umaga ay naglalagay na siya ng tattoo sa mga turista. Minsan pa nga ay umaabot sa 200 ang mga turista na pumupunta kaya naiinitindihan namin kung bakit siya pagod ng gabi na iyon. Pero masaya kami na pinaunlakan niya kami at lalo pa kaming nasiyahan ng makita namin na nakasuot siya ng T-shirt na may imahe ni Coco. Dito pa lang ay masasabi na mahal na mahal niya ito.

Agad kong inalam kung kelan niya nga ba unang nakita at minahal si Coco at tulad ng sambayanang Pilipino ay nagsimula ang kanyang paghanga dito ng ipinalabas ang FPJ’s Ang Probinsyano. Saad pa ni Whang-Od na napakaganda ng istorya nito at gabi-gabi niya itong pinapanuod. Wala siyang pinalalagpas na episode dahil kailangan niyang mapanuod si Cardo.

“Sa telebisyon ko siya nakikita. Yung sa palabas niyang FPJ’s Ang Probinsyano. Maganda kasi at hindi siya nanakit. Maganda yung role niya doon. Marami siyang inaalagaang bata,” saad ni Whang-Od.

Dagdag pa niya na gustong-gusto niya si Coco dahil ito ay “matipunong lalaki” at hindi daw mahilig sa kissing scene. Agad kaming tumawa dahil sa kanyang sense of humor na hindi mo matatagpuan sa mga 100 na taon na tao.

Habang kausap namin si Whang-Od ay napansin ko na lumuluha siya. Tinanong ko kung bakit at ako’y naantig dahil iniisip niya raw si Coco. Maraming humahanga sa Hari ng Telebisyon dahil sa kanyang galing, itsura, at rags to riches story. Ngunit hindi siguro lahat ay napapaluha sa simpleng pagisip lang sa kanya. At kung tutuusin ay si Whang-Od ay pinupuri at tinitinghala hindi lang dito sa Pilipinas pati sa buong mundo kaya naman nakakatuwa na malaman na maraming tao, mayaman man o mahirap, ang naantig ni Coco sa FPJ’s Ang Probinsyano.

Kaya naman sabik na sabik nang makita ni Apo Whang-Od si Coco at gaya niya, sabik na rin siyang makilala ito. Pagnagkita daw sila ay hihimasin daw niya ito tulad ng ginagawa niya sa mga binata niyang kostomer, pabiro niyang sinabi.

“Gaya ng pagkasabik ni Coco, sabik na sabik na rin ako makita si Coco kaya ninanais ko na pumunta siya rito.”

Sa seryosong usapan ay sabi ni Whang-Od na lalagyan niya daw ng tattoo si Coco kung bibisitahin daw siya nito. Mamarkahan niya ito ng centipede na sumisimbulo sa isang warrior at python na nagbibigay ng proteksyon, lakas, at patnubay.

Bukod pa diyan ay mamarkahan niya pa daw si Coco ng espesyal na disenyo. Dito ako namangha dahil hindi lang basta-basta naglalagay ng tattoo si Whang-Od sa mga turista. Kadalasan ay signature niya lang ang nilalagay niya na tatlong tuldok kaya nakakamangha na gusto niyang lagyan ito ng centipede at python na para lang sa mga warrior noong araw. Idagdag pa natin ang espesyal disenyo na gusto niyang ilagay na si Coco lang ang bibigyan niya.

Pagkatapos ng panayam namin ay binigay ko na ang mga regalo galing kay Coco. Una kong binigay ang unan na may mukha ni Coco bilang si Cardo. Sabi ni Apo ay agad niya daw itong gagamitin pag-natulog siya. Sinunod ko na ang jacket na may logo ng FPJ’s Ang Probinsyao at Ang Panday na agad niyang sinuot. Pagkatapos ay binigay ko na ang litrato ni Coco na may autograph niya at may mensahe na “I Love You” na nagbigay ng ibang klaseng ngiti kay Whang-Od.

“Pagnakakakita ako ng litrato ni Coco para akong nagiging bata,” nauna niyang nasabi.

Isinunod na namin ibinigay ang T-shirt, kumot, pamaypay, sticker, at pin. Tila ba nabuhayan siya at nagkaroon ng lakas ng ibinigay namin ang mga regalo. Ngunit ang naging icing on the cake ay nang ipinakita na namin sa kanya ang personal na mensahe sa kanya ni Coco.

“Apo Whang-Od kamusta na po kayo? Sana po magkita na tayo at sana po lagi kayong mag-ingat lalo na po ang iyong health. God bless you and more power. Sobrang excited na po ako sa pagkikita natin. I love you,” sabi ni Coco sa kanyang video message.

Kung kanina lang ay abot tenga ang ngiti ni Whang-Od, nang nakita niya na ang mensahe ni Coco ay abot langit na ang ngiti nito. Hindi ko malilimutan ang saya niya na ramdam na ramdam namin, ngiting walang kasing ganda, at mata na puno ng buhay.

Pagkatapos ng aming panayam ay bumalik na kami sa homestay at napakagaang ng aming pakiramdam dahil kahit sa munting paraan at kaunting saglit ay napasaya namin siya.
Kinabukasan ay pumila agad kami upang magpalagay ng tattoo ng kay Whang-Od. Suot-suot namin ang T-shirt ng FPJ’s Ang Probinsya at Ang Panday, at ito ay agaw pansin doon dahil lahat sila ito lang ang pinapanuod at talagang tinututukan.

Mas lalo pa kaming natuwa nang makita namin na suot-suot niya na agad ang T-shirt at jacket na binigay namin. Napag-alaman pa namin ginamit niya rin agad ang unan at kumot.

Sana lang sa susunod na si Coco na ang bibisita at magpapalagay ng tattoo kay Whang-Od. At kung may mensahe si Coco kay Whang-Od meron din itong magandang mensahe sa kanya.

“Pag mag-aasawa ka, dapat maghanap ka ng maganda gaya ng iyong kagandahan. Tignan mo rin yung mabait na aalagaan ka para hindi ka kawawa sa huli,” sabi ni Whang-Od.

Leave a comment