Patindi ng patindi ang mga nangyayari sa FPJ’s Ang Probinsyano! Kagabi ay nagharapan na ang mga rebelde at grupo ng ilegal na minero. At mukhang mas lalo pang lalala ang lagay ni Cardo Dalisay (Coco Martin), na nagpapanggap na si Fernan, bago muna ito mapabuti.

Ayon sa teaser ng the number one undisputed TV show in the Philippines, maraming pasabog ang magaganap.

Simulan natin sa tatlong nadakip na sundalo na sina SPO2 Geraldo “Gerry” dela Paz (Ejay Falcon), SPO2 Bernardo Quinto (Ron Morales), at PO3 Louise delos Reyes. Bukod sa patuloy na pagdurusa nila sa kamay ng mga masasamang rebelde na pinamumunuan ni Alakdan (Jhong Hilario), mukhang malalagasan na naman sila ng isang miyembro.

Dahil sa patuloy na panghihinala ni Alakdan kay Fernan, magsisimula na itong magtanong sa mga sundalong nadakip niya, partikular si SPO2 Quinto, at susubukan niyang gawin lahat basta malaman lang kung sino ba talaga si Fernan. Aamin kaya si SPO2 Quinto? O ibubuwis niya ang sarili niyang buhay para lang hindi mabuko si Cardo?

Ngunit hindi lang kalaban sa Pulang Araw ang kakaharapin ni Cardo dahil pati ang sariling sundalo ay kakaharapin niya. Sa pagsama ni Cardo kay Magdalena Dumagit (Yam Concepcion), na naging malapit na sa kanya, sa palengke ay natunugan sila ng mga tao at nagpatawag ng mga sundalo.
Sa pagsalakay ng mga sundalo ay, nirekomenda ni Cardo na tumakas na lang sila ngunit hindi pumayag si Lena, dahil mukhang nanalaytay sa kanya ang dugo ng kanyang ama, at talagang naglabas ito ng sariling baril at nagpapaputok sa kanyang mga kalaban.

Hindi na makapalag itong si Cardo at nagdesisyon na protektahan si Lena at ang kanyang anak kaya kumuha din sariling baril at kahit nag-aalinlangan siya ay pinaputukan niya ang mga dati niyang kakampi.

Ang masama pa ay mukhang namukaan siya ng isa sa mga sundalo. Si Cardo kaya ay babansagang traydor ng kanyang mga kapatid sa militar? Dahil mukhang nagkaroon na ng alinlangan sa loob ni Cardo. Sa una ay nagpanggap siya upang malaman ang totoong mithiin ng rebelde at para rin makakuha ng hustisiya. Ngunit dahil sa mabuting loob niya ay napalapit na siya sa ilang miyembro ng rebelde. Sa totoo lang ay dapat nga hindi na niya niligtas si Lawin (Dante Rivero) laban sa mga grupo ng ilegal na minero dahil siya mismo ay ang pumaslang sa mga kasama ni Cardo sa Special Armed Forces (SAF) ngunit tunay na busilak ang puso ni Cardo.

Idagdag pa natin ang isa pang kalaban ng rebelde at ng sambayanan na illegal miners na pinamumunuan ni Miguel (Aljur Abrenica) at Javier (Jestoni Alarcon).

Tutulungan kaya ni Cardo ang mga kalaban niyang rebelde laban sa mga ilegal na minero?

At wag din natin kalimutan sina Director Renaldo Hipolito (John Arcilla) at Major Manolo Catindig (Sid Lucero) na tunay na may pakana sa mga malalaking problema ni Cardo at ng bansa.

Kaya sa Lunes, tutukan at wag magpapahuli sa mga mas lalo pang gumagandang pangyayari sa FPJ’s Ang Probinsyano!

Leave a comment