Bagong Tiktik

Umaasa si Coco Martin na magugustuhan at mae-enjoy ng mga Pilipino ang pelikulang pinagbibidahan niya, idinirek at prinodyus, ang Ang Panday, na official entry sa 2017 Metro Manila Film Festival. Ginawa niya raw talaga ang pelikula para pasayahin ang mga pamilyang Pilipino ngayong Kapaskuhan.

“Siyempre alam naman natin yung sitwasyon ng bansa natin, hindi naman lahat ng mga Pilipino nakakapanood palagi ng sine. Marami sa mga Pilipino ngayon ang isang beses lang makapanood ng sine sa isang taon lalong-lalo na pagdating sa Kapaskuhan. Sabi ko, gusto ko itong Panday pag pinanood nila yung masusulit yung perang ibabayad nila. Kaya lahat, mapababae o mapalalaki, matanda o bata, mag-e-enjoy dito. Sana nga magustuhan nila, sana ma-enjoy nila kasi yung viewers talaga ang unang inisip ko rito,” sabi ni Coco.

Nabawasan nga ang kaba ni Coco pagkatapos ng special celebrity and press screening ng Ang Panday, na ginanap sa Trinoma Cinema 4 noong December 14. Dumalo rito ang iba pang cast ng pelikula na kinabibilangan nina Jake Cuenca, Mariel de Leon, Awra Briguela, Elisse Joson, McCoy de Leon, Eddie Garcia, Albert Martinez, Lito Lapid, Mark Lapid, Kylie Versoza, at marami pang iba. Nanood din ang Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Ms. Susan Roces, ang maybahay ng yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino at original Panday na si Fernando Poe Jr.

Sa ganda ng special effects at iba pang elemento ng pelikula, kitang-kitang ginastusan at pinagbuhusan ng malaking budget ang Ang Panday. Paliwanag ni Coco, “Kasi sabi ko nga ano ba ang aanuhin ko, magpapaka-businessman ba ako? Kung nagpaka-businessman ako, titipirin ko yung produksyon para malaki yung kita ko. Sabi ko sa sarili ko, first movie ko ito, kaya ang gusto ko ibubuhos ko lahat para sulit yung mga tao pag nanood sila. Wala naman kasi akong inanong budget, na hanggang dito lang ako. If ever na magugustuhan niyo… basta ako muna lahat, ako ang gumawa ng konsepto, ako ang naglabas ng pera, para walang sisihan sa huli.”

Nagpapasalamat din si Coco sa lahat ng mga kaibigan niyang artista na nagbigay ng oras at serbisyo nila para sa pelikula. Karamihan sa mga ito ay pinagkakautangan niya ng loob noong nagsisimula pa lang siya sa industriya, at ngayon siya naman ang may kakayahang tumulong ay ibinabalik niya sa mga ito ang kanyang pagtanaw ng utang na loob at pasasalamat.

Kung sakali, handa na ba si Coco sa part 2 ng Ang Panday? “Ngayon ano e… titignan pa natin.”
Handog ng CCM Film Productions, Star Cinema at Viva Films, ang Ang Panday ay mapapanood sa mga sinehan nationwide bilang bahagi ng MMFF 2017 simula sa Pasko, December 25.

Leave a comment