Kahit Bulacan Day ngayong Martes ay pumasok ang mga energetic na estudyante ng Paradise Farm Elementary School upang makita si Coco Martin. Ang iba pa sa mga ito ay nakasuot ng Lab Ako Ni Kuya Coco na T-shirt.

Ito na ang pang-apat na beses na binisita sila ng Hari ng Telebisyon ngunit parang ito ang unang pagkakataon dahil abot langit ang ngiti ng mga bata nang dumating na ito.

Agad na tinanong ni Coco ang mga bata kung nag-aaral ba sila ng mabuti na sinagot naman ng isang malakas at sabay-sabay na “opo.” Tinanong din niya kung sila ba ay nagdadasal lagi at isa na namang malakas na “opo” ang sagot nila.

“Kaya nandito ako para magpasalamat sa inyo at siyempre sa inyong mga magulang sa pag-gabay sa inyo ng mabuti, at siyempre maraming, maraming salamat din sa ating mga guro sa pag-aalaga at pagmamahal sa inyong lahat,” saad ni Coco.

“Kaya sana hangarin ko ay makatulong ako sa inyo kahit papaano para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan. At maraming, maraming, maraming salamat sa pagmamahal niyo sa akin dahil sobrang mahal na mahal ko kayo. I love you,” dagdag niya pa na sinagot ng “I love you too” ng mga mag-aaral.

Pagkatapos ng maikling at magandang mensahe niya ay nagsimula na ang photo-op ng Hari ng Pelikula kasama ang mga estudyante, guro, at mga magulang.

Sinundan ito ng gift-giving ng mga school supplies na mismong inabot ni Coco sa tulong mga staff ng Dreamscape at Lingkod Kapamilya. Siyempre gusto rin ng Hari ng Telebisyon na maayos ang mga lagay nito kaya umuwi ang mga bata na busog.

Tinignan din ni Coco ang bagong library ng Paradise Farm na tinulungan niyang gawin. Ayon sa isang guro na si Joy Lucas, muntikan na daw hindi matuloy ang pag-papagawa ng library ngunit ginawang posible ni Coco na magkaroon ng library ang mga mag-aaral.

Paalala lang ng Hari ng Telebisyon na pagbutihin ng mga bata ang kanilang pag-aaral dahil sila ang aasahan ng kanilang pamilya at tutulong magtaguyod sa bansa.

“Basta importante ah, mag-aral kayo ng mabuti dahil kayo ang aasahan ng inyong pamilya. Kayo ang tutulong sa ating bansa para makabangon muli.”

Leave a comment