Kasabay ng pag-balik ni Coco Martin sa Paradise Farms Elementary School sa San Jose Del Monte, Bulacan, noong Martes upang magpasaya ng mga bata at guro ay nagkita muli sila ni Rey Justin Barrameda.

Matatandaang noong bumisita ng nakaraang taon, August 4, 2016, ang Hari ng Telebisyon, sa hindi inaasahang pagkakataon, ay ginawa niyang espesyal ang kaarawan ni Justin.

Hindi sila nakapaghanda noon kaya ng personal na makausap niya si Coco at mabigyan ng King Cup Sardines meal ay naluha ito sa saya.

Ngayon naman, kahit natapos na ang ika-siyam na birthday ni Justin, ay nagkaroon ulit sila ng pagkakataon na magkasama. Meron pa ngang solo photo si Justin, kung saan yakap-yakap ulit siya ng kanyang kuya Coco.

Kwento ng ina ni Justin na si Katrina Barrameda sa Team Coco Martin PH ay mabait na bata si Justin. Hindi daw sila nakapaghanda pati ngayong taon pero masaya naman si Justin na nagkasama ulit sila ng kanyang kuya Coco.

Hiling ni Justin na sana hindi daw magbago ang kanyang kuya Coco at sana bisitahin ulit sila sa kanilang eskwelahan.

“Maraming salamat Kuya Coco, dapat hindi ka magbago… Kahit ano mangyari nandito ka pa rin. Maraming salamat ginawa mong espesyal birthday ko,” saad ni Justin.

Leave a comment