Newsko

Aminado si Jeffrey Tam na excited na siya para sa pelikulang Ang Panday na tinatampukan at pinamahalaan ni Coco Martin. Isa sa kalahok sa darating na Metro Manila Film festival ang naturang pelikula.

Nabanggit din niya ang labis na pasasalamat kay Coco dahil sa pagtupad nito sa pangakong isasama sa pelikulang ito si Jefrrey.

“Lahat kami excited na for this MMFF, kasi alam ko na hindi kami pababayaan ng mga manonood, lalo na yung mga Ang Probinsyano supporters. Alam namin susuportahan nila si kuya Coco,” panimula ni Jeffrey na napapanood din sa naturang top rating TV series ng ABS CBN.

Pahabol pa niya, “Kaya ako saludo kay Kuya Coco at malaking pasasalamat talaga at kinuha ako ni kuya at hindi niya kami kinakalimutan. At dahil doon, ayaw namin siyang biguin kaya mas lalo ko pang pinag-iigihan ang trabaho sa pelikulang ito.

“Noon kasing nagte-taping kami para sa FPJ’s Ang Probinsyano, nabanggit sa amin ni Kuya Coco na kasali rin kami sa movie na ito. Kaya hayun, tinupad nga niya iyong sinabi niya.”

Ano ang role mo sa Panday movie?

“Bale, kakampi po ako ni kuya Coco sa real world, isang grupo kami-kasama sina Long Mejia, Gene Padila at mga rapper ng fliptop tulad nila Smugglaz at Bassilyo. Etong movie ay very entertaining talaga lalo na at Pasko iyon, kumbaga ay pampamilya talaga ito.

“Kaya kailangang abangan ang movie na ito dahil talagang pinaghihirapan po ni kuya Coco, at alam ko na hindi basta-basta ang kalalabasan ng movie na ito. Maaksiyon, kapupulutan ng aral, maganda ang kuwento nito at lahat ng edad, maging bata man o matanda ay puwede sa movie na ito. Tiyak na mag-eenjoy ang movie viewers dito.”

Anong klaseng director ba si Coco?

Sagot ni Jeffrey na bukod sa pagiging actor ay isang award winning magician din, “Si kuya Coco as director, mabusisi siya sa lahat ng shots niya, pakiramdam ko nga parang hindi niya first time mag-direk, kase nakikita ko yung talagang passion niya for this film.

“Iba ang utak ng isang Coco Martin, masyadong malawak… kaya I’m sure kakaibang pelikula itong Ang Panday.” (NONIE V. NICASIO)

Leave a comment