Ipinahayag ng veteran actor na si Lou Veloso na naniniwala siyang si Coco Martin na ang susunod na Fernando Poe Jr.!

Isa si Lou sa casts ng top rating TV series ng Dos na FPJ’s Ang Probinsyano -na remake ng dating pelikula ni Da King.

Si Coco rin ang bida at director sa bagong Panday movie na isa sa entry sa darating na Metro Manila Film Festival sa taong ito.

Esplika ni Lou, “Ay nako! Si Coco, parang kambal ni FPJ iyan, lalo na sa pagtulong sa kapwa, napakamatulungin talaga. Sabi nga niya, one time narinig ko eh, na may humihingi sa kanya ng tulong-sabi niya, ‘Huwag na kayo pumunta rito, itext nyo lang ako, para di na kayo maabala…”

Sino po yung sinasabihan ni Coco? “Mga dating artista na hindi na umaarte, na nangangailangan din. Kaya nakita ko kay Coco, parang kambal ni FPJ ito when it comes to character.

“Kasi ako nga, nagsabi lang ako kay Jimmy Fabregas, kasi nagkaroon kami ng chance na magkasama sa shooting, sabi ko kay Jimmy, ‘Jimmy, matatapos na ata ang Probinsyano, di pa ko nagge-guest doon. Sabihin mo naman kay Coco, i-guest ako.’ After a week, guest na nga ako.

“So, makikita mo sa kanya yung ano, ‘pag kilala ka naman niya, bibigyan ka ng chance, makakasama ka,” esplika pa niya.

Si Lou ay ilan sa actor natin na may impressive na listahan ng mga natamong awards. Kabilang dito ang Best Actor sa pelikulang Colorum sa Cinemalaya (2009) at Gawad Urian (2010). Nananalo rin siyang Best Performance award sa Young Critic Circle noong 2015 Para sa pelikulang Da Dog Show, at last year (2016), sa Cinemalaya ulit ay nakuha niya ang Best Supporting Actor award para sa Hiblang Abo, kasama sina Jun Urbano, Leo Rialp, at Nanding Josef.

Iyong sa pagganap niya po bilang Panday, may mga nagsasabi kasing parang hilaw pa si Coco para maging next FPJ?

“Hindi naman siguro, hindi… Kasi siya, sa tingin ko ah, siya lang ang may kapasidad ngayon na gumawa ng mga action characters sa television and movies na tatangkilikin ng madla. Kasi tingin ko, sa mga nakalinya, although nakala-action yung iba, baka hindi ganoon ang appeal sa publiko, tulad ni Coco.

Masasabi nyo ba na ang kabaitan at pagiging matulungin ni Coco, pambihira o kapuri-puri?

Mabilis na sagot niya, “Yes! Nakita ko yon, kasi yung mga dating nakasama niya, at hindi niya nakasama, tinutulungan din niya.

“Ang bata pa niya, di pa niya nakasama ang ibang mga nakasama ni FPJ, eh, Pero binibigyan niya ng chance yung mga walang project. Kaya nabuhay uli sa FPJ’s Ang Probinsyano iyong mga talagang makikita natin ngayon na lumalabas doon na hindi naman niya inabot yung mga yon, di naman niya nakasama sa pelikula. Pero nalaman niya na eto yung mga kasama ni FPJ na hindi na napagkikikita sa pelikula.

“So binibigyan niya ng chance para maging active ulit at kumita… Eh totoo naman, nawalan na rin ng pagkakakitaan yung iba nating mga artista dahil nawala nga yung action movies.”

Sa ngayon, kabilang sa pelikula ni Lou ang isa sa entry sa darating na Cinemalaya titled Ang Guro Kong Di Marunong Magbasa na pinagbibidahan ni Alfred Vargas at ang possible MMFF entry na Ang Sikreto ng Piso na pinagbibidahan ulit ni Alfred Vargas. Ang dalawang pelikulang nabanggit ay mula sa pamamahala ni Direk Perry Escaño.

Leave a comment