by Glen P. Sibonga posted on August 28, 2015

(photo from pep.ph)

(photo from pep.ph)

Higit sa isang idolo, itinuturing na bayani ni Coco Martin ang yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr.

Sa audio-visual presentation na ipinalabas noong Huwebes ng gabi, Agosto 27, sa solo presscon ni Coco para sa pinagbibidahan niyang bagong ABS-CBN teleserye, ang Ang Probinsyano, sinabi ng Kapamilya actor na si FPJ ay ang kanyang superhero at bayani.

Ang nasabing teleserye ay ang TV adaptation ng pelikulang may kaparehong titulo na pinagbidahan ni FPJ noong 1997.

Kaya naman natanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Coco na base sa kanyang pagkakaalam at pagkakakilala kay FPJ—lalo na’t naging close pa sila at nagkasama sa mga teleserye ng asawa nito at Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces—ano ba ang hinahangaan niya kay Da King kaya nasabi niyang ito ang kanyang superhero at bayani?

“Para sa akin po kasi, si FPJ, bilang isang manonood, hinahangaan ko siya sa lahat ng mga character na ginampanan niya.

“Pero ako, bilang isang tao at bilang sa pagkakakilala ko sa kanya, siguro naman po alam nating lahat kung paano siya sa kanyang mga katrabaho, sa kanyang kapwa, kung paano niya tinutulungan yung mga tao, di ba, sa kanyang nasasakupan o sa kanyang mga nakikita.

“Siya po kasi yung klase ng tao na tumutulong siya pero hindi niya po kailangang pang ipagsabi, ipagyabang o i-announce.

“Sa ganung bahagi po ng pagkatao niya, sobra po akong bumibilib bilang isang tao.

“Kasi po, yun po ang sinasabi ko na nakikita ko yung sinseridad ng tao, e.

“Kung may isang bagay kang gagawin, hindi mo naman kailangang ipangalandakan o ipagsabi,” pahayag ni Coco.

Binalik-tanaw pa ni Coco ang mga kuwento tungkol sa isang veteran actress at sa mga taga-industriya na natulungan ni FPJ noon.

“Actually, may mga kuwento po ako noon, lalo na po kay Tita Anita Linda.

“Kinukuwento niya sa akin noong nagkatrabaho kami sa indie, sabi niyang ganun, ‘Alam mo, dumating yung time na parang hindi ako gaanong gumagawa ng pelikula noon.’

“Tapos, parang inano ni FPJ noon na dahil gusto niyang [Anita] manood ng TV, isang araw, nagulat siya, biglang pinadalhan siya ng TV.

“Tapos hindi mo kailangang lumapit sa kanya, e.”

“May mga tao na nakatrabaho niya na alam niyang may sakit, na kailangan ng tulong.

“Sabi ni Tita Susan, ang hirap maging asawa ni FPJ… bakit, napakarami mong kahati sa kanya.

“Kasi sabi nga, siya open para sa lahat, e.

“Ganung tao si FPJ na gagawin niyang lahat sa abot ng kanyang makakaya, kung anuman yung maitutulong niya o maibibigay sa kanyang kapwa o sa kanyang katrabaho, talagang gagawin at gagawin niya.

“Kaya sabi ko nga po, ako bilang isang tao, iyon ang isa sa mga hinangaan ko sa kanya.

“Hindi lang sa pagiging magaling na artista kundi sa pagiging totoong tao na nagmamahal sa kanyang kapwa.”

INHERITING FPJ’S GOODNESS. Kung tutuusin, tila namana ni Coco ang pagiging mabait at matulunging tao ni FPJ.

Tulad kasi ni Da King, marami ring natutulungan si Coco at hindi niya kailangan itong ipaalam sa lahat.

Paano niya mae-encourage ang ibang tao lalo na iyong mga maykaya para gumawa rin ng ganitong pagtulong sa kapwa?

Saad niya, “Kasi ako, honestly po, sinasabi ko nga kung anuman po ang mayroon ako ngayon, sa akin po sobra-sobrang blessing po yung dumating sa buhay ko, sabi ko nga, hindi na ito yung buhay na pinangarap ko, e.

“Gusto ko kasi yung buhay na simple lang na magagampanan ko yung bilang kuya o bilang padre de pamilya sa aking kapamilya.

“Pero sabi ko, sana yung mga tao na kagaya ko, na kahit papaano sinuwerte sa buhay, na kahit papaano naitaguyod niya yung pamilya niya, yung makapag-share man lang doon sa mga taong nasa paligid niya.

“Una sa pamilya, pangalawa sa paligid niya, sa lipunang ginagalawan niya.

“Kasi ako, honestly, yung way ng pagtulong ko, hindi ako yung nagbibigay ng materyal na bagay para lang sabihin na nakatulong ako.

“Ang gusto ko kasi, kung maaari, yung mga taong nasa paligid ko, yung mga taong gusto kong tulungan, maging kagaya ko.

“Ang gusto kong ibigay sa kanila, oportunidad, opportunity para mabuhay din nang tama, opportunity para kumita, kumbaga para kumilos.”

“Ang pagtulong kasi sa akin, hindi materyal na bagay, e, yung oportunidad.

“Kagaya ng mga taong tumulong sa akin noong nagsisimula ako.

“Wala akong natatandaan na may taong tumulong sa akin para bigyan ako ng pera.

“Pero may mga taong tumulong sa akin para magturo kung paano tumayo at matuto sa buhay.

“Iyon ang opportunity na natutunan ko, at iyon ang gusto kong i-share sa kapwa ko.

“Kung magkakaroon po ako ng pagkakataon para tumulong, inaalam ko muna kung para saan gagamitin ito.

“Kung nakikita ko na parang may pupuntahan at ikakaayos ng buhay nila, at iyon ang magiging simula ng pagiging maayos nila bilang isang tao at sa kanilang pamilya, nandoon po ako para sumuporta sa kanila.

“At ganun din po ang mga ginagawa ko sa kapatid ko at sa pamilya ko.”

WHEN TO BE A LOVING HUSBAND. Si FPJ, naging mapagmahal na asawa kay Susan.

Si Coco naman, kailan nakikita ang sarili niya na magiging mapagmahal siyang asawa?

Tugon niya, “Honestly, magti-thirty-four na po ako.

“Pero sabi ko nga, marami pa kasi akong gustong mangyari sa buhay ko, hindi dahil para gusto kong kumita pa nang mas malaki, kundi para gusto ko pa sanang mas maging settled yung family ko.

“Gusto ko pa sanang mas maging maayos.

“Kasi lagi nilang sinasabi sa akin na parang, ‘Thirty-three ka na, o kailan ka mag-aasawa? Tapos pag medyo binata na yung anak mo, lolo ka na, paano mo siya mae-enjoy?’

“Ang katuwiran ko naman sa sarili ko, di ba, mas mae-enjoy ko nga siya kung ngayon nagtatrabaho akong mabuti, nagsusumikap ako, para balang-araw, puwede na akong mag-relax, mas marami na yung oras ko para sa pamilya ko.

“Kaysa yung mag-aasawa nga ako ngayon, magpapamilya ako, tapos pag may anak na ako at saka ako kakayod nang matindi, e, di wala akong time sa kanila.

“E, kung nakapagpundar na ako nang maayos, na-settle ko na iyong family ko, e, di mas may time na ako sa kanila kung saka-sakaling magkapamilya ako.

“Magkakaroon talaga kami ng mas matinding bonding.”

Source: http://www.pep.ph/news/56500/coco-martin-considers-fpj-as-his-superhero/1/1#focus

Leave a comment