Posted by Balita Online

HOST si Enchong Dee ng AgriCOOLture program ng Knowledge Channel na magtatampok ng pagtatanim, pag-aalaga ng livestock animals at iba pa na may kinalaman sa agrikultura.

Pero bagay yatang maging co-host ni Enchong si Coco Martin. Puwede ring itampok na lang ang Primetime King. Matagal na kasing nagagawa ng bida ng FPJ’s Ang Probinsyano ang mga ipapakita sa AgriCOOLture dahil marami siyang tanim ng sari-saring gulay sa bakanteng lote sa tapat ng bahay niya. Hiniram ni Coco sa may-ari ang lote at pinayagan naman siya.

Katwiran ng aktor, kaysa puro talahib ang tumubo, e, pakinabangan na lang ang lupa kaya nilinis ng aktor at nagtayo siya ng bahay-kubo na pahingahan niya.

Matagal nang nabanggit sa amin ng TV5 executive na kapitbahay ni Coco na tuwing umaga ay nakikita niya ang bida ng Ang Probinsyano na nagtatanim at nagdidilig at natutuwa siya na malago na raw ng gulayan ng aktor.

Nakakapag-harvest na si Coco ng talong, ampalaya, okra, sitaw, kamatis at iba pa. Pero may mga bagong tanim ulit tulad ng sili, petsay, at iba pa.

Matagal nang nasabi ni Coco sa isang panayam na kapag wala siyang taping ay nasa bahay lang siya at itong pagtatanim ang libangan niya bukod sa makipagkuwentuhan sa mga kaibigan sa bahay-kubo na itinayo niya.

Natutuwa tiyak ang may-ari ng lupa at wala lang kaming update kung ibinenta na sa aktor ang lupang ginawang gulayan.

Speaking of FPJ’s Ang Probinsyano, si Angelica Panganiban (Martha) naman ang bagong makakalaban ni Cardo (Coco) kaya abangan kung paano niya masusugpo ang laganap na droga sa bansa kung saan sangkot ang aktres. (Reggee Bonoan)

Leave a comment