By Chit Ramos

INAMIN ni Coco Martin na siya ang nag-suggest sa Dreamscape Production ni Deo Endrinal na i-guest ang hinahangaan niyang actor na si Cesar Montano sa “Ang Probinsyano.”

“Matagal ko nang idol si Cesar at nagkaroon lang ako ng lakas ng loob nang mabasa ko ang script ng episode ng ‘Probinsyano’ tungkol sa isang dating matapang at dedicated police officer na bumaliktad dahil sa pagpatay sa kanyang asawa ng kapwa niya pulis.

“Gusto kong ang ipababasa naming script sa kanya ay hindi niya mata-tanggihan. Ganun ang paghanga at respeto ko sa kanya. Pangarap kong makasama siya sa trabaho at nang pumayag siyang gawin ang naturang episode, nanginig ako sa tuwa. Nanginginig din ako at natakot nang magkaharap na kami.

“Ibinigay ko ang lahat-lahat na nalalaman ko. Ngayon lang kasi nagka-totoo ang pangarap kong makasama siya.”

Nagbigay din iyon ng inspirasyon kay Coco na pangaraping makasama ang ilan pang hinahangaan niyang action stars.

“Niyakap ko nang mahigpit si Kuya Robin Padilla nang magkita kami nang payuhan niya akong manatiling nakatapak sa lupa. Nagpasalamat din siya sa akin dahil, natutulungan ko raw ang mga maliliit na artistang nakakasama ko sa “Probinsyano” dahil nabibigyan ko sila ng trabaho. Na ‘yung mga pangarap niya at ng mga dating action star na pagtulong sa mga stuntmen ay nakikita niyang ginagawa ko ngayon.

“Totoo ang sinabi niya. Gusto ko ring makatulong na bumalik ang sigla ng action movies. Sa mga nakakasama ko sa ‘Probinsyano,’ nararamdaman ko ang lahat ng sinabi sa akin ni Kuya Robin.”

“Nang magkita naman po kami ni Ate Sharon (Cuneta),” nasabi ko rin po sa kanyang may isang concept na project ako kung saan magkakasama kami. Tuwang-tuwa siya. Tuwang-tuwa rin si Madam Malou Santos, kaya, malaki ang pag-asa na matuloy ang pagsasama namin.

Sa ipinakitang pagpapahalaga ni Coco sa mga hinahangganan niyang kapwa actor, tiyak na mapapamahal siyang lalo. Marami rin ang mga nagdarasal na patuloy siyang magtagumpay. Busilak ang kanyang puso sa pagtulong at nananatili rin siyang nakatapak sa lupa.

Source: http://www.journal.com.ph/entertainment/showbiz/coco-nanginig-sa-paghaharap-nila-ni-cesar

Leave a comment