MAITUTURING na pinakamagastos na programang umeere ngayon sa primetime ang aksyon-seryeng Ang Probinsyano ni Coco Martin dahil pagkatapos ng mga sikat na artistang nag-guest, heto at may bagong batch na namang pumasok tulad ni John Prats bilang si SPO2 Jerome Geron na superior nina Maja Salvador (Glen) at ni Marc Solis (SPO1 Rigor Soriano).

Bagong pasok din bilang miyembro ng riding in tandem sina Erik Fructuoso at Jordan Herrera, kaya sila ang bagong tutugisin ni Cardo (Coco Martin) na magkakaroon ng gusot kay John na siyang itinalagang humuli sa grupo pero gusto ring tugisin ng probinsyanong pulis.

Hindi lang ‘yun, mukhang type ni John si Maja na ikaiirita ni Coco, kaya may love triangle na naman at kung papatok sa televiewers ang tambalang Glen at Jerome, may posibilidad na magtagal ang huli sa serye lalo’t walang karibal ngayon si Cardo sa best friend niyang pulis.

Umeere na ang bagong misyon ng mga alagad ng batas laban sa riding in tandem nina Jordan at Erik na takas sa kulungan.

Tiyak na maaksiyon na naman ang serye at tututukan lalo na loyal viewers nito gabi-gabi. (Reggee Bonoan)

Source: http://balita.net.ph/2016/04/01/john-prats-bagong-karibal-ni-coco-kay-maja/

Leave a comment