By Ervin Santiago

NAKAKALOKA pala talaga ang epekto nina Macmac at Onyok sa mga manonood ng Primetime Bida serye ng ABS-CBN na FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.

Tawa kami nang tawa sa mga eksena ni Macmac o Mcneal Briguera sa tunay na buhay, kapag kinikilig na siya kay Cardo na ginagampanan ng Teleserye King na si Coco Martin. Ang galing-galing nina Macmac at Onyok (Simon Pineda) kaya naman winner na winner sila sa mga viewers.

Napatunayan namin na labs na labs ng manonood si Macmac nang sumakay kami ng pampasaherong bus at ipinalalabas ang Probinsyano. Grabe ang tawanan sa bus habang ipinalalabas ang mga eksena ni Macmac kasama sina Onyok, Coco at Ms. Susan Roces.

Kaloka! Talagang nagtatawanan ang lahat kapag eksena na nina Macmac, Onyok at Coco ang ipinalalabas lalo na nu’ng kinilig na naman ang batang beki nang kainin na ni Cardo ang bigay niyang ensaymada with matching kindat pa.

Talagang lahat ng pasahero ng bus ay nakatutok sa TV at walang tigil sa pagtawa dahil sa mga eksena nila ni Coco. Kahit yung katabi namin sa upuan ay walang tigil sa katatawa kahit commercial na.

Sabi pa nga nito, “Nakakaalis siya ng pagod. Kahit na stressed ka sa work biglang mawawala kapag napanood mo na sila! It’s something na talagang gamot sa mga problema ng nga Pinoy kahit sandali lang.”

Kahit ang mga kapamilya namin ay aliw na aliw kay Macmac, actually, isa na siya sa mga inaabangan gabi-gabi sa Ang Probinsyano. Hindi nga raw kumpleto ang gabi nila kapag hindi nila napapanood ang serye lalo na ang karakter ni Macmac na crush na crush si Cardo.

Ang mas nakakaloka pa, kahit ang mga tatay at mga tambay sa kanto ay aliw na aliw kay Macmac kaya gabi-gabi na raw silang nakatutok sa serye ni Coco. Bukod daw sa ganda ng kuwento at sa galing ng lahat ng cast, kaabang-abang din ang mga maaaksyong eksena sa serye.

Gusto rin naming palakpakan ang bagong Kapamilya actress na si Ritz Azul dahil sa napakagaling na akting nito bilang isang babaeng namatayan ng kapatid na miyembro ng isang sindikato. Siya rin ang nagsisilbing ate ng mga ruby boys sa serye.

Ang galing-galing ni Ritz sa kanyang madadramang eksena lalo na nu’ng malaman niyang patay na ang kanyang kapatid at nang mabuking niya na ang pulis na nagtangkang manghalay sa kanya ay siya ring pumatay sa kanyang kapatid.

Patuloy na subaybayan ang FPJ’s Ang Probinsyano sa Primetime Bida ng ABS-CBN pagkatapos ng TV Patrol at tutukan ang mas lalo pang umiinit na kwento ni Cardo at ng mga taong nakapaligid sa kanya.

Source: http://bandera.inquirer.net/120701/macmac-onyok-instant-superstar-mas-lalong-pinataas-ang-rating-ng-fpjs-ang-probinsyano

Leave a comment