SHOWBIZ NEWS NOW NA! Ni Boy Abunda (Pilipino Star Ngayon) | Updated September 3, 2015 – 12:00am

Mas nagiging malapit na raw sa isa’t isa sina Coco Martin at Susan Roces ngayong magkatrabaho sila sa teleseryeng Ang Pro­binsyano. Ayon sa aktor ay talagang malapit sa kanyang puso ang Queen of Philippine Movies. “Nakikita ko talaga na para ko siyang lola. May panahon ako sa kanila para kumustahin sila, para makipagkwentuhan sa kanila, alagaan sila sa set. Kasi napaka-thankful ko na nandiyan sila para sa akin para tulungan ako at suportahan,” pahayag ni Coco.

Napababalitang tatakbo sa darating na eleksyon ang anak ni Susan na si Senator Grace Poe-Llamanzares. Humingi na kaya ng tulong si Susan kay Coco upang suportahan sa kampanya ang anak? “Sa totoo lang po, walang halong kasinungalingan, never naming pinag-usapan kung tutulungan ko ba siya o hihingi siya sa akin ng tulong. Kapag nag-uusap po kami ni Tita Susan, about sa personal na buhay, about sa trabaho namin. Alam kong napakataas din po ng respeto niya sa akin eh. Na para tanungin o lapitan, maski siya ‘pag tinanong mo, sasagutin niya lang na ‘Hindi ko alam sa anak ko kung ano’ng plano niya.’ Kasi gano’n ‘yung respeto nila sa isa’t isa,” paliwanag ni Coco.

“Kung ako po ang tatanungin, hindi ko pa rin po masasagot, dahil po may proyekto po kaming ginagawa. Sabi ko nga po, depende po ‘yan kung ano po ‘yung paniniwala ko eh. Mahaba pa po ang panahon, may ilang buwan pa po tayo para makapag-isip po,” dagdag pa niya.

Source: http://www.philstar.com/psn-showbiz/2015/09/03/1495320/susan-coco-hindi-pinag-uusapan-ang-pulitika

Leave a comment