ABS-CBN News

Tampok ang kagalingan ng mga Pinoy tattoo artist sa Dutdutan Festival 2017 ngayong weekend sa World Trade Center, Pasay City.
Sa aktuwal na tattoo demo, ipinakita ang iba’t ibang design at latest trends tulad ng pagtatato ng mukha at imahe ng mga artistang tulad ni Liza Soberano.

Pinakasentro ng atensyon ang booth ng bantog na Kalinga artist na si Whang-ud at kanyang pamilya.

Sa edad na 100 taong gulang, si Whang-ud ang pinakamatandang Pinoy tattoo artist mula Buscalan, Kalinga.

Dahil sa pagkahilo, hindi nakarating si Whang-ud pero pinagpistahan ng media ang kanyang apo (grand niece) na si Grace Palicas, na ipinakita ang ilang siglong sining ng pambabatok gamit ang lemon thorns sa pagtatato.

Itutuloy raw niya ang naglalaho nilang tradisyon lalo’t nakakuha na ito ng international media attention.

Isa lang daw ang hiling ng kanyang lola — ang makita ng personal si Coco Martin na lagi nilang sinusubaybayan sa “Ang Probinsyano.”

Tiniyak naman ng production company ni Martin na personal itong makikipagkita kay Whang-ud sa Oktubre sa isang international design fair sa Maynila.

Ayon kay Palisca, sana raw ay pumayag si Coco na magpatato sa kanya ng imahe ng centipede na simbolo ng lakas at mabuting gabay ng kanilang lahi.

Leave a comment