Isinapuso at ginawang inspirasyong ng Hari Ng Pelikula Coco Martin ang kasiyahan ng mga manonood sa pagbuo ng pinakamalaking action-adventure pelikula, Ang Panday, na ipapalabas sa darating na Metro Manila Film Festival sa December 25.

Ayon kay Coco, bukod sa pagbisita at pagpapasaya sa mga kapamilya sa bawa’t sulok ng Pilipinas, ang unang pelikulang idinirehe niya ang magsisilbing pamasko niya sa sambayan dahil sa mainit na suporta nila sa FPJ’s Ang Probinsyano.

“Kung mapapansin niyo kapag weekend, nasa probinsya ako. Nagmomotorcade at mall show. Una para makapagpasalamat sa mga taong tumatangkilik sa Ang Probinsyano, pangalawa upang masabi ko sa mga tao na may regalo kami sa darating na Pasko,” kwento ni Coco sa naganap na Ang Panday Presscon ngayong araw.

Kaya naman, sabik na siyang mapanood ng mga tao ang pelikulang pinaghirapan niyang konseptohin, isulat, pagbidahan, idirihe, at prodyus ng halos isang taon.

“Excited kasi gusto ko ng ipakita sa kanila, kinakabahan dahil hindi ko rin alam kung magugustuhan ng mga viewers pero ang sabi ko nga, ang fulfillment nito pag nagustuhan ng tao.”

Dagdag pa ni Coco, hindi niya tinignan ang aspeto ng pera sa pagbuo ng Ang Panday na mayroong mahigit 80 na artista – kabilang ang ilang primyadong artista – dahil mas importante ang kalidad at kakaibang saya na ibibigay nito sa Pasko.

“It’s not about the money. Gusto ko maganda ang kalabasan at nasusulit ang binabayad ng tao.”

Kaya sa darating na Kapaskuhan, tunghayan kung paano isasabuhay ni Coco ang karakter ni Flavio at ang alamat ng Ang Panday.

Leave a comment