Hindi makakalimutan ng ASAP Birit Queen Angeline Quinto ang nagawang pagbabago ni Coco Martin sa buhay niya.

Ang nasabing aktor daw ang naging rason kung bakit pinursige niya ang pag-arte kahit isa na siyang sikat na mang-aawit. Aniya, si Coco raw ang unang taong sumuporta sa desisyon niyang sumabak sa pag-arte.

“Honestly, na-miss ko siya (Coco) katrabaho. Napakalaki ng utang na loob ko sa kanya. Dahil siya ang unang taong sumuporta sa akin pag-dating sa pag-arte,” saad ni Angeline sa eksklusibong pahayag.

Unang nagsama si Coco at Angeline sa romantic comedy “Born to Love You” noong 2012 na naging Box-Office hit matapos kumita ng P50M sa buong mundo.

“Napakalaking parte ng Born to Love you na pelikula namin sa buhay ko.”
Limang taon na ang nakalipas kaya naman na-miss ni Angeline makatrabaho ang Hari Ng Telebisyon. Ngayon na magkasama muli sila sa FPJ’s Ang Probinsyano, todo suporta pa rin ang aktor sa kanya at mas lalo pa siyang humanga sa pagmamahal ni Coco sa propesyon.

“Si Coco napaka-supportive pa rin. Nararamdaman kong gusto niya na palagi kong magawa yung 100% na best ko sa pag-arte. Na kapag si Coco ang katrabaho mo, pati ikaw mahahawa sa kung paano niya mahalin ang trabaho niya. Napaka-passionate at professional,” saad ng mang-aawit.

Matatandaang isa si Angeline sa nakasama sa paghahanda para sa FPJ’s Ang Probinsyano ngunit dahil sa conflict of schedule ay hindi natuloy ang partisipasyon niya. Mapapanood siya gabi-gabi bilang si Jean, kasama ang iba pang bagong karakter na gagampanan nina Rico J. Puno, Irma Adlawan, at Janno Gibbs.

Leave a comment