ABS-CBN News

Inamin ni Coco Martin na paghanga ang dahilan kung bakit mga beauty queen ang napili niyang leading ladies para sa pelikula niyang “Ang Panday.”

Sa panayam nitong Huwebes, ibinahagi ni Coco ang kuwento tungkol sa pagkakapili niya kay Binibining Pilipinas International 2017 Mariel de Leon at Miss International 2016 Kylie Verzosa bilang bagong leading ladies.

“Ang daming nagtatanong sa akin noon, noong binubuo ko na [ang cast ng] ‘Ang Panday,’ [kung] sino ang magiging leading lady ko. Hindi ko alam, wala akong maisip… Hanggang sa isang araw, nagte-taping ako ng ‘Ang Probinsyano’ naroon ako sa tent, mayroon akong maliit na TV doon, biglang pinalabas si Mariel sa ‘Magandang Buhay.’ Tapos sobrang gandang-ganda ako sa kanya,” kuwento niya.

“So paglabas ko ng tent, sabi ko sa EP ko, si Malou Crisologo, ‘Tiyang, mayroon na akong leading lady,” ani Coco na makakasama ang karakter ni Mariel bilang kanyang kapareha sa mundo ng mga tao.

“Si Kylie naman, noong nanalo siya sa Miss International, pinangarap ko ring makatrabaho. Pumasok naman siya, bagay siya sa role,” dagdag ng aktor tungkol kay Kylie, na gaganap bilang isang diwata.

Pag-amin ni Coco, hanga siya sa galing sa pag-arte ng dalawang beauty queen.

“Kay Mariel nagulat ako, hindi ko akalain na marunong siyang umarte. Siguro sabi ko nga because of Tito Boyet and Tita Sandy,” aniya.

Si Mariel ay anak ng mga beteranong aktor na sina Christopher de Leon at Sandy Andolong.

“Kay Kylie naman, napaka-natural. Every time na nag-uusap kami, gusto niya talagang umarte. Kaya noong gina-guide ko siya kung paano ang gagawin niya, hindi ako nahirapan,” ani Coco na direktor, manunulat, at bida ng “Ang Panday.”

Magsisimulang ipalabas ang “Ang Panday” sa mga sinehan sa araw ng Pasko, Disyembre 25.

Leave a comment