coco-martin-interview-rey-pumaloy

Nalalapit na ang pagwawakas ng ABS-CBN primetime serye na Ikaw Lamang.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kina Coco Martin at Kim Chiu (mga bida ng soap) sa set visit na inorganisa ng Dreamscape Production kagabi, Biyernes, October 17, sa bandang Quezon City, naglahad ang tinaguriang “Primetime Drama Prince” ng kanyang saloobin sa nalalapit na paghihiwalay nila ng kanyang mga co-stars kapag natapos na ang shooting nila para sa naturang serye.

Ano ang mami-miss niya sa bonding nila ni Kim?

Ayon kay Coco, “Madami. Gaya nga ng sinabi ni Kim, almost one year rin kami dito.

“Unang-una, isa ito sa pinakamahirap na project kong nagawa from the past. And then no’ng nag-present kami, nagkaroon ng major rom-com and then balik na uli kami sa action-drama.

“Everytime na nagkakatrabaho kayo, siyempre sa umpisa medyo kapaan. Actually, nakakalungkot kasi kung kailan patapos na kayo, doon nagiging intact o close na kayo sa isa’t isa.”

Ano ang nadiskubre nila sa isa’t isa?

Patuloy pa niya, “Unang-una, matagal kasi kaming hindi nagkasama. Honestly, ang lalim-lalim ng pagtingin niya sa trabaho. Siyempre, sanay siya sa lagare-lagare.

“Ano kasi ako, maopinyon, lalo sa trabaho. ‘Pag nakikita ko na something na mas maitutulong or something na mas nakakaganda sa eksena, nagsa-suggest ako.

“Si Kim no’ng nag-uumpisa, tahimik lang. Pero later on gano’n na siya [loosened up], ‘Ah, open pala dito.’

“‘Pag meron kang nakikita na ikagaganda ng eksena kumbaga, sabi nga namin parang mas daig ng maraming utak ang iisa lang. Mas maganda yung nagtutulungan kayo.”

Hindi naman daw mababakante nang husto si Coco dahil meron siyang ginagawang pelikula. Ito ay ang MMFF 2014 entry na Feng Shui 2 na pagbibidahan din ni Kris Aquino.

Break from work

Mapapahinga lang si Coco sa teleserye dahil wala pa naman siyang naririnig na bagong TV offer mula sa Kapamilya network.

Ayon pa rin kay Coco, hindi siya ganap na makakapagpahinga.

Lahad niya, “Actually, nakakatawa nga, nagkukuwentuhan kami ni Kim. Siyempre nagkakaroon kami ng oras mag-bonding.

“Sabi ko nga nakakatawa kasi isa kami sa pinakamasisipag na artista sa Pilipinas dahil talaga namang siguro alam lang namin yung pinanggalingan namin dati na… alam mo yun?

“Na simple lang ang buhay namin. ‘Tapos biglang dumating ang blessing na ito [showbiz].

“Ayaw na naming pakawalan o itapon. Kung meron, hanggang nandiyan, hangga’t may dumarating sige lang nang sige. Sa totoo naman, matatapos at matatapos ito.

“‘Pag nangyari yun at least, handa na kami. Parang may pinuntahan yung pinagpaguran namin at may napuntahan yung pinaghandaan namin in the future.”

Mas matindi raw ang mga aabangang eksena sa nalalapit na pagtatapos ng kanilang serye.

“Siyempre, yung nagawa namin sa Book One, sana mapantayan namin or kung maaari, malampasan namin yung ganda ng pagtatapos ng Book One.”

Kung sakaling sila ni Kim ang makakapag-decide kung paano nila gustong matapos ang ending ng kanilang serye, paano nila gagawin ito?

“Gusto ko sana happy ending. Kahit paano pukawin natin yung puso ng mga manonood. Pasayahin naman natin sila hangga’t sa huli,” saad niya.

Bonding with Kim

Meron ba silang iiwan sa isa’t isa ngayong nalalapit na ang pagtatapos ng trabaho nila?

“Siyempre, yung friendship. Kasi kami ni Kim dati pa kaming magkatrabaho.

“Sabi ko nga, parang kuya niya ako everytime na ano…sana, someday magka-trabaho pa kami uli. Kahit hindi sa TV, kahit man lang sa pelikula.”

Apat hanggang limang taping days na lang ang natitira sa kanila kaya inaasahan na ni Coco na mapupuno ng lungkot at pagiging emosyunal ng lahat sa kanila.

“Oo nga. Pero hindi pa, e. Medyo busy pa.

“Siguradong habang patapos na nang patapos ‘yan, lalo na ngayon magkakasama kami sa iisang kuwarto. Lalo na magkakasama kami nina Kuya Smokey Manaloto, sina Dennis Padilla.

“Wala kaming ginawa kundi ang magtawanan nang magtawanan, kain. Sinasabi ko nga sa kanila, naku, nararamdaman ko yung pagtatapos kasi ang daming nagpapakain sa set.

“Ayaw naming maghiwa-hiwalay.”

Posible kayang mag-iyakan ang marami sa kanila?

“Baka, kasi ang tagal naming nagkasama. Yung bonding namin ni Kim no’ng Book One pa, mahaba yung proseso.”

Kung papipiliin si Coco sa kung ano ang gustong niyang gawing serye sa susunod niyang project, ang nais daw niya ay may temang pambata.

“Kasi, nung nag-Juan de la Cruz ako, sabi ko gusto kong bumalik sa drama. Siyempre, nami-miss ko yun, e.

“Ngayon nasagad naman ako sa drama, almost one year. Balik naman ako sa pambata. Hindi naman fantasy uli, basta yung malapit sa bata.”

Birthday

Sa November 1 na ang kaarawan ni Coco at tutuntong na siya sa edad na thirty-two.

Ano ang magiging kaganapan sa kaarawan niya? Siguradong malaking selebrasyon ito.

Natawa si Coco at saka nagsalita, “Hindi honestly, sa totoo lang, ayoko sanang mag-celebrate dahil hindi naman ako sa sanay, e.

“Kumbaga, sa family ko. Gusto ni Mother Bibs [Biboy Arboleda, business manager niya] dahil ten years ko na sa showbiz, sabi niya, ‘Kahit paano mag-celebrate ka naman.’

“Magpasalamat ka man lamang. I-enjoy mo yung 10 years mo, lahat ng pinaghirapan mo.”

May naiisip na ba siyang regalo para sa sarili on his birthday?

“Wala na, e. Honestly, wala, e. Kumbaga…”

Vacation

Nabanggit ni Coco sa mga nakaraang interviews niya na gusto niyang magbakasyon o maglibot.

Pinatotohahan naman ito ni Kim na katabi niya noong mga sandaling iyon na gusto nga raw ni Coco na magbakasyon.

Patuloy pa ni Kim base sa sinabi sa kanya ni Coco na hindi pa raw ito nakakapag-travel na siya lang.

Sumegunda namang sabi ni Coco, “Oo, yung walang trabaho. Sabi ko nga kay Kim, hindi pa tayo nakakapagtrabaho na pupunta tayo doon para magbakasyon, gumastos. Hindi, e.

“Pupunta kami sa isang lugar para magtrabaho. Sayang naman kung pupunta ka magbabayad ka, gagastos ka. Isa pa yung masarap sa raket.”

Saan ang dream destination niya?

“Gusto ko nga sa Boracay, Batanes, Sagada, ‘tsaka sa Palawan.”

Hindi ba puwedeng i-shoulder na lang niya ang gastos niya sa bakasyon?

“Puwede naman po, pero kasi nakakapanghinayang naman, sayang din yung gastos. Kung puwede kang kumita at mamasyal,” na ang tinutukoy ay ang mga trip niya sa ibang lugar para mag-show.

Sa ibang bansa, wala ba siyang gustong puntahan?

“Nung time na nag-iindie ako, kumbaga, lagi akong lumalaban international [film festivals] marami na akong napuntahang bansa. Mas gusto kong ikutin yun kung anumang meron tayo dito sa Pinas.”

 

No Love Life Yet

Hanggang ngayon wala pa raw special someone si Coco na puwede niyang isama sa kanyang bakasyon.

Biro niya, “Baka doon makahanap,” na ang ibig niyang sabihin ay makikilala niya sa lugar na pupuntahan niya.

“Wala pa ngayon, e. Raket muna ang hinahanap ko, e.

“Kasi po darating naman po ‘yan, e. Kasi nanggaling na ako sa mahaba-habang relasyon at ilang beses na relasyon. Ayokong sayangin yung blessing na meron ako ngayon.”

Hindi ba siya nai-inspire kay Kim na mukhang happy ngayon?

Natsitsismis na ang karelasyon ngayon ng tsinitang aktres ay si Xian Lim.

Sagot naman ni Coco habang nakatingin sa kanyang leading lady, “Ang nakakatuwa kay Kim, nababalanse niya yung sarili niya, yung work ‘tapos nagni-negosyo pa ‘yan.”

Coco Martin wishes to do more kid-oriented teleseryes: “Nami-miss ko yun, e.”
by Rey Pumaloy
Posted on October 18, 2014

http://www.pep.ph/news/45268/coco-martin-wishes-to-do-more-kid-oriented-teleseryes-ldquonami-miss-ko-yun-erdquo

3 comments

  • grace carreon

    I fell in love with the teleserye ikaw lamang and am still watching it on tfc. I almost memorize all the line between isabel and samuel, gabriel and andrea:). Definitely like to see them again on movies and shows together.

    Reply
  • merz

    I really miss cokim.. I wish more teleserye of Coco Martin and Kim Chiu na magsasama cla Cokim.
    Even in movie sana magsama p sila ulit.

    Reply
  • merz

    Wish namin yan Coco Martin na magsama pa kayo ni kim chiu sa teleserye at movie. Naadik nga kami sa Ikaw Lamang dahil iba ang tandem ng love team ninyo dalawa meron bang spark kasi nakakakilig pag kayo na ang magsasama. Happy Birthday Coco Martin and many more birthdays to come and more project to you with Kim on abs-cbn. God Bless

    Reply

Leave a comment